Madi Mojdeh kumana ng 4 gold sa Asian Open School Invitational

MANILA, Philippines — Ayaw paawat ni La Salle Greenhills standout Behrouz Mohammad Madi Mojdeh matapos angkinin ang ikaapat na gintong medalya sa 3rd Asian Open Schools Invitational (AOSI) Short Course Swimming Championships na ginaganap sa Assumption University Aquatics Center Suvarnabhumi sa Bangkok, Thailand.
Nairehistro ni Mojdeh ang matikas na dalawang minuto at 12.40 segundo para mamayagpag sa boys’ 15-year 200m backstroke — malayo sa second placer na si Tuong Thai ng Vietnam na nagtala ng 2:16.50.
Namayagpag din si Mojdeh sa 200m butterfly sa bilis na 2:08.86 — gahibla lamang mula sa tournament record na 2:08.48.
Nauna nang nagtala ng bagong rekord si Mojdeh sa 200m Individual Medley (2:12.31) at 200m breaststroke (2:26.53) para manatiling nakatutok sa tangkang six-event sweep.
Sunod na sasabak si Mojdeh sa 100m butterfly at 200m freestyle events sa huling araw ng kumpetisyon.
Patuloy rin ang ratsada ng teammates nito sa Behrouz Elite Swimming Team (BEST) tankers tampok ang record-breaking performance ni Clara Maligat.
Naitarak ng La Salle Zobel standout na si Maligat ang impresibong dalawang minuto at 31.68 segundo upang angkinin ang gintong medalya sa girls’ 15-year 200m butterfly.
Tinabunan ni Maligat ang lumang rekord na 2:54.06 ni Meral Ayn Latheef ng Malaysia noong 2024 edisyon ng torneo.
Ito ang ikalawang ginto ni Maligat matapos mamayagpag sa 25m butterfly habang may pilak din ito sa 100m freestyle (1:04.32).
Kumana naman si Therese Annika Quinto ng dalawa pang ginto sa girls’ 15-year class kung saan nagreyna ito sa 50m backstroke (32.07) at 100m freestyle (1:02.20).
Sa kabuuan, may tatlong ginto na rin si Quinto — una na sa 50m freestyle (28.30) sa event na nilahukan ng 16 na bansa sa Asya kabilang na ang Iran, South Korea, Vietnam, Hong Kong, Malaysia at host Thailand.
Nakakuha rin si La Salle Zobel swimmer Niño Angelo Pugay ng isang pilak (200m butterfly) at isang tanso (200m IM) sa boys’ 16-year class.
Nagdagdag naman si Immaculate Heart of Mary College-Parañaque tanker Mikhael Jasper Mikee Mojdeh ng tansong medalya sa boys’ 11-year 100m freestyle.
- Latest


















