13 anti-mining protesters inaresto sa Kasibu standoff
KASIBU, Nueva Vizcaya, Philippines — Labintatlong residente na tumututol sa mining exploration project ang arestado nitong Biyernes ng gabi matapos ang tensiyonadong standoff sa isang human barricade sa Kasibu, Nueva Vizcaya na nagbunsod ng alegasyong kumakampi ang mga awtoridad sa mining company na nagsusulong ng proyekto.
Itinanggi naman ng Kasibu police na pinapaboran nito ang North Luzon Mineral Resources Corp. (NLMRC), na may permit para magsagawa ng mining exploration sa ilang barangay sa lalawigan.
Ayon kay Chief of Police Lt. Lloyd Guillermo, rumesponde lamang ang kanyang mga tauhan matapos makatanggap ng tawag sa 911. Gayunman, iginiit ng mga residente na ineskortan ng mga pulis ang mga sasakyan ng NLMRC na may kargang diesel na dadalhin sana sa exploration site.
Lalong uminit ang sitwasyon nang tangkain umanong alisin ng mga awtoridad ang human barricade upang makadaan ang mga sasakyan, na nauwi sa pagkakaaresto sa 13 protesters. Isang babaeng residente na kabilang sa mga inaresto ang iniulat na isinugod sa ospital matapos mawalan ng malay sa gitna ng kaguluhan.
Pinangunahan ni Atty. Fidel Santos, na kumakatawan sa mga anti-mining residents, ang pakikipag-usap kasama sina Kasibu Vice Mayor Alberto Bumolo Jr. at iba pang miyembro ng Sangguniang Bayan upang hindi na lalong uminit pa ang mga tensyon sa nasabing lugar.
- Latest
















