Yulo brothers bibida sa Asiad

MANILA, Philippines — Babanderahan ng magkapatid na Caloy at Eldrew Yulo ang kampanya ng Philippine gymnastics team sa parating na 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa susunod na buwan.
Sa kanyang ikalawang Asian appearance ay target ng 26-anyos na si Caloy ang kanyang kauna-unahang medalya sa Asiad na nakatakda sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Tumapos ang batang Tondo sa 4th place sa men’s vault at 7th place sa floor exercise ng 2018 edition sa Jakarta, Indonesia.
Sa parehong events inangkin ni Caloy ang dalawang gold medals sa 2024 Olympic Games na idinaos sa Paris.
Hindi sumalang si Caloy sa 2022 edition sa Hangzhou, China dahil sa kasabay na paglahok niya sa world championships na isang Olympic qualifier para sa Paris Games.
Hindi pa nananalo ng gymnastics medal ang Pinas sa Asian Games.
Noong Hunyo ay nakuha ni Caloy ang gold, habang nakuntento si Eldrew sa bronze sa men’s floor exercise sa 13th Senior Artistic Gymnastics Asian Championships sa Zunyi, China.
Ito naman ang unang Asiad stint ng 18-anyos na si Eldrew na wagi ng isang gold at dalawang silver medals sa vault sa mga sinalihang Asian championships.
Panalo rin siya ng tansong medalya sa floor exercise at horizontal bar sa 2025 Junior World Championships.
Bukod sa magkapatid na Yulo, ang iba pang miyembro ng national men’s artistic gymnastics team ay sina Juancho Miguel Besana, Justin Ace De Leon at Zachary Cortins Nuñez.
Samantala, pamumunuan ni Paris Olympian Levi Ruivivar ang women’s artistic gymnastics kasama sina Kylee Kvamme, Chiara Dawn Andrew, Lauren Supnet at Haylee Garcia.
- Latest


















