Eala nagparamdam agad sa Cincinnati Open

Pasok sa third round
MANILA, Philippines — Magarbo ang simula ni Alex Eala upang umabante sa third round ng Cincinnati Open kahapon sa Tony Trabert Stadium 3 sa Mason, Ohio.
Naitarak ng 21-anyos Pinay netter ang 6-1, 3-0 (ret.) panalo laban kay Elena-Gabriela Ruse ng Romania sa second round ng naturang WTA 1000 event.
Hawak ni Eala ang 3-0 kalamangan sa second set nang tumawag ng medical timeout si Ruse dahil sa pananakit ng kanang paa.
Ilang sandali lamang ay nagpasya ang mga organizers na itigil muna ang laro dahil sa hindi magandang panahon.
Hindi naman na natuloy ang laro nang magpasya si Ruse na magretiro na lamang at tuluyang ibigay ang panalo kay Eala.
Naitabla ni Eala ang head-to-head nito kay Ruse sa 1-1.
Una nang nanalo si Ruse kay Eala sa kanilang unang paghaharap sa qualifying round ng US Open noong 2024.
Nais naman ni Eala na mabilis na makarekober si Ruse para sa kanyang susunod na torneong lalahukan.
“Of course, nobody likes to finish a match with a retirement, first and foremost, I just want to wish Gabriela-Ruse a speedy recovery, injuries aren’t fun, so I hope she recovers soon,” ani Eala.
Masaya si Eala dahil maganda rin ang inilalaro nito sa umpisa pa lamang ng laban.
“I think that I was playing well, I think I felt the ball good, was really focused and tried to keep myself in the zone, I think I did a good job of that,” ani Eala.
Limang break points ang nakuha ni Eala laban kay Ruse sa larong hindi man lamang umabot ng isang oras.
Sunod na makakasagupa ni Eala si world No. 10 Amanda Anisimova ng Amerika sa third round.
Ito ang unang paghaharap nina Eala at Anisimova.
Nakapasok si Anisimova sa third round nang payukuin nito ang kaibigan ni Eala na si Zeynep Sonmez ng Turkey, 6-2, 6-3, sa second round.
- Latest





















