Panalo target ng 4 teams
Bago ang PBA break
MANILA, Philippines — Magandang pabaon ang hangarin ng 4 na koponan ngayon sa huling double-header sa PBA Season 50 Governor’s Cup sa Smart Araneta Coliseum bago ang mahabang bakasyon.
Patitibayin ng NLEX (7-1) ang kapit nito sa liderato ng Group A kontra sa Converge (4-4) sa alas-5:15 ng hapon bago ang sagupaan ng mga namomroblemang contenders sa Group B na Meralco (2-5) at Barangay Ginebra (2-3) sa main game sa alas-7:30 ng gabi.
Ito ang huling iskedyul ng PBA bago ang lagpas 2 buwang pahinga upang magbigay-daan sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa 2nd round ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers at sa 2026 Achi-Nagoya Asian Games sa Japan.
Sasabak ang Gilas kontra sa Jordan at Iran pagsisimula ng pinagsamang Group E sa 2nd round sa Agosto 28 hanggang 30 sa Mall of Asia Arena.
Pagkatapos nito ay maghahanda naman ang Gilas para depensahan ang korona nito sa Asiad sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
At walang ibang tangka ang 4 na koponan sa PBA kundi ang makasikwat ng panalo para sa magandang aginaldo bago man lang mag-bakasyon lalo na sa mga team na walang Gilas players.
Paborito sanang makasungkit nito ang lider na NLEX subalit magpaparada ito ng all-Filipino line-up kontra sa Converge matapos ang masaklap na leg at ankle injury ng import na si DeQuan Jones sa 118-111 panalo nila kontra sa reigning champion na Talk ‘N Text.
- Latest

















