Eala seeded sa Cincinnati Open

MANILA, Philippines — Matapos ang National Bank Open sa Toronto, muling sasabak si Alex Eala sa Cincinnati Open na aarangkada mula Agosto 13 hanggang 23 sa Lindner Family Tennis Center sa Mason, Ohio.
Kasama si Eala sa mga seeded players.
Base sa inilabas na listahan ng WTA kahapon, hahawakan ng Pinay netter ang No. 17 seed sa naturang WTA 1000 event.
Ito ang pinakamataas na seed ni Eala sa WTA Tour. Dahil dito, sigurado na naman si Eala ng tiket sa second round ng Cincinnati Open.
Nakatakda namang ilabas ng mga organizers ang draw ngayong araw upang magkaalaman kung sino ang mga posibleng makalaban ni Eala sa kanyang draw.
Kasalukuyang nagpapahinga si Eala matapos ang sunud-sunod na laban sa Washington DC at Toronto, Canada.
Nagkampeon si Eala sa Mubalda DC Open sa Washington matapos talunin si Jessica Pegula sa finals.
Nakaabot naman si Eala sa fourth round ng National Bank Open sa Toronto kung saan naputol ang kampanya nito matapos lumasap ng 4-6, 0-6 kabiguan sa kamay ni Belinda Bencic ng Switzerland.
“I will take maybe two days off, a day or two. I do have to travel to Cincinnati. I need to get a haircut. I haven’t gotten a haircut in a while. My nails are grown out,” ani Eala.
Makakasama ni Eala bilang seeded players sina world No. 1 Aryna Sabalenka ng Belarus, No. 2 Elena Rybakina ng Kazakhstan, No. 3 Pegula, No. 4 Coco Gauff ng Amerika at No. 5 Mirra Andreeva ng Russia.
- Latest


























