Centeno, Amit tutumbok sa Women’s Doubles Masters 10-Ball
MANILA, Philippines — Pakay ni three-time world champion Chezka Centeno na ipagpatuloy ang kanyang pamamayagpag sa larangan ng billiards ngayong taon.
Makikipagkampihan ang 27-anyos na si Centeno sa kapwa world champion na si Rubilem ‘Bingkay’ Amit para lahukan ang Pro Billiards Series: Women’s Doubles Masters 10-Ball Showdown na lalaruin sa Roma Cavalieri, Italya sa darating na Sabado.
May isang Linggo na ang nakalipas, nasungkit ng Zamboangueña cue artist ang pangatlong world title nang magkampeon ito sa 2026 Oneida WPA Women’s World 8-Ball Championship sa Green Bay, Wisconsin kung saan ay naibulsa nito ang US$30,000 premyo.
Nagreyna ang produkto ng Barang Pinoy na si Centeno ng dalawang beses sa World 10-Ball Championship noong 2023 at 2025.
Habang si Amit ay nagkampeon din sa World 10-Ball Championship noong 2009 at 2013, nakuha naman nito ang titulo sa World 9-Ball noong 2024.
Nakalaan ang champion’s purse na nagkakahalaga ng $20,000.
- Latest

























