Pablo pasikat sa panalo ng Nxled

MANILA, Philippines — Pumalo si Myla Pablo ng 17 points mula sa 12 attacks, apat na blocks at isang service ace sa 25-17, 25-23, 25-18 demolisyon ng Nxled sa Capital1 Solar Energy sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour kahapon sa Chavit Coliseum sa Vigan City, Ilocos Sur.
Nag-ambag si Jonah Sabete-Escamillan ng 13 markers at 17 excellent digs para sa 1-1 baraha ng Chameleons, habang naglista si setter Gel Cayuna ng 17 excellent sets.
Hindi maglalaro si Fil-Am spiker Brooke Van Sickle sa kabuuan ng preseason tournament dahil sa kanyang pagrekober sa isang right shoulder injury.
“We really enjoy playing today. I was super fun,” sabi ni Italian coach Ettore Guidetti.
Bigo naman ang Solar Spikers sa kanilang unang laro at walang player na nakapagtala ng double-digit sa scoring.
Wala sa lineup ng Capital1 sina Alas Pilipinas pool members Bella Belen, Vanie Gandler at Erika Santos na naghahanda para sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa Setyembre.
Ito ang naging bentahe ng Chameleons sa pagtatala ng 5-0 abante patungo sa isang 11-point lead para sa 25-17 panalo sa first set.
Pumalag ang Solar Spikers sa second set nang dumikit sa 23-24 mula sa hataw ni Khy Cepada bago umiskor si Sabete-Escamillan para sa 25-23 panalo ng Chameleons.
Lumamang din ang Nxled sa 16-12 sa third set na naputol ng Capital1 sa 18-20 sa likod nina Ysa Jimenez at Ypril Tapia.
Nagtuwang sina Pablo, Sabete-Escamillan at Fil-m middle blocker MJ Phillips para sa 24-18 kalamangan ng Chameleons, habang ang ace ni EJ Laure ang sumelyo sa kanilang panalo.
- Latest


















