4 barangay sa Calanogas, Lanao del Sur isinailalim na sa state of calamity

MANILA, Philippines — Apat na barangay sa bayan ng Calanogas sa Lanao del Sur ang isinailalim na sa “state of calamity” sanhi ng flashflood at landslides sa matinding pinsalang tinamo sa kasagsagan ng bagyong Inday at southwest monsoon o habagat, ayon sa ulat kahapon.
Sa report na tinanggap ng Office of Civil Defense (OCD), ang Sangguniang Bayan ay nagpasa ng resolusyon na nagdedeklara sa state of calamity sa mga apektadong mga barangay ng Ningir, Mimbalawag, Inoma at Piksan dahil sa matinding pinsala na tinamo sa malalakas na pag-ulan na nagdulot ng landslide at flashfloods noong Hulyo 10, 2026.
Ang habagat ay nagpalakas pa sa pamiminsala ng bagyong Inday sa nasabing mga lugar na napuruhan sa kalamidad.
Sa pamamagitan ng deklarasyon ng state of calamity ay mapapabilis na ng lokal na pamahalaan ang emergency resources at iimplementa ang pagtugon, relief, recovery at rehabilitasyon upang protektahan ang kaligtasan at kapakanan ng mga apektadong komunidad.
Nabatid na ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong eskuwelahan sa nasabing bayan ay suspendido mula Hulyo 12-16 dulot ng matinding epekto ng bagyo.
- Latest

















