Rider nahulog sa tulay, todas
MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang motorcycle rider matapos bumangga sa concrete barrier bago mahulog sa tulay matapos mawalan ng control sa pagmamaneho naganap nitong Linggo ng gabi sa Pandacan, Maynila.
Ang nasawing biktima na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ay kinilalang si alyas “James”, nasa hustong gulang, call center agent at residente ng G. Araneta Avenue, Quezon City.
Sa inisyal na ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), bago naganap ang aksidente, alas-6:30 ng umaga sa Zamora Link Bridge sa Pandacan ay kasalukuyan minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo (189-XYI) at binabagtas ang ibabaw ng tulay nang biglang mawalan ng kontrol at bumangga sa concrete bridge barrier.
Sa tindi ng impact nang pagkakabangga ay tumilapon ang biktima at nahulog sa ibaba ng tulay na nagresulta sa matinding pagkasugat.
Rumesponde ang medical team mula sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at isinugod ang biktima sa Sta.Ana Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival.
- Latest

















