Gilas tumirik sa New Zealand sa double OT

MANILA, Philippines — Panalo na naging bato pa.
Iyan ang kinahinatnan ng Gilas Pilipinas matapos lustayin ang ilang bentahe upang maging banderang kapos kontra sa New Zealand sa pambihirang double overtime, 102-106, sa third window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers kahapon sa Spark Arena sa Auckland.
Sandamakmak na tsansa ang pinakawalan ng Gilas kabilang na ang 100-96 bentahe sa huling minuto bago sumuko sa 8-2 panapos na bomba ng Tall Blacks upang kapusin ulit.
Matatandaang tumirik din ang Gilas sa 66-69 pagkatalo sa homecourt nito sa Mall of Asia Arena sa 2nd window at bumagsak sa ikatlong sunod na pagkatalo para sa 2-3 kartada sa Group A.
Napurnada ang tig-23 points nina Juan Gomez De Liaño at Kevin Quiambao, habang nauwi rin sa wala ang 18 at 17 markers nina Dwight Ramos at Carl Tamayo, ayon sa pagkakasunod.
Nagsilbing all-local bayanihan ang Gilas nang matameme sa limang puntos lang si Gilas Pilipinas naturalized player at PBA Best Import Justin Brownlee ng Barangay Ginebra.
Inasawa ng Tall Blacks si Brownlee na nangitlog sa unang apat na yugto at nakagawa rin ng ilang turnovers sa krusyal na posesyon kabilang na sa huling 14 segundo kung saan siya natawagan ng unsportsmanlike foul upang selyuhan ng kalaban ang panalo.
Nabalewala rin ang kanyang tres sa huling minuto upang mabigyan ng 100-96 bentahe ang mga bataan ni head coach Tim Cone na sunod na makakaharap ang mas malakas na Australia.
Wala pang galos ang Boomers sa Group A sa 4-0 kartada subalit kailangan ng Gilas ng panalo kahit pa pasok na sa 2nd round upang mapaganda ang marka dahil carryover standing ang format sa susunod na bahagi kontra sa Iran, Jordan at Syria ng Group C.
Nagsalpak si Gomez De Liaño ng panablang tres sa regulation, 83-83.
- Latest






















