Venus Williams gusting maka-doubles uli si Eala

MANILA, Philippines — Pinuri ni dating Grand Slam champion Venus Williams si Alex Eala matapos ang kanilang doubles sa Bad Homburg Open sa Germany.
Hangad ni Williams na muling makasama si Eala sa isang doubles event sa mga susunod na torneo.
Masaya si Williams na makapares ang Pinay netter kung saan umabot ang dalawa sa quarterfinals ng Germany tournament.
Subalit nabigo ang dalawa na umusad nang lumasap ng 3-6, 2-6 kabiguan kina Tereza Mihalikova ng Slovakia at Olivia Nicholls ng Great Britain.
“She’s very competitive on the court. I think we’re a great team,” ani Williams.
Ipinaliwanag ni Williams na mas maganda pa sana ang kanilang laban kung nabigyan ang dalawa na makapag ensayo ng mahaba-habang panahon.
Sinabi ni Williams na hindi sila nakapag-training ng magkasama ni Eala bago sumalang sa laban.
“We never got the chance to practice before we played the doubles,” ani Williams.
Gayunpaman, masaya ito na makasama si Eala sa doubles.
Sa katunayan, tinukoy pa ni Williams si Eala na ‘best partner’ sa kanyang social media account.
Umaasa si Williams na hindi ito sa huling pagtatambal nila ni Eala.
Hangad ni Williams na muli nitong makasama ang Pinay netter sa mga susunod pang torneo.
“We just needed a little more time together. I hope we get the chance to team up again,” ani Williams.
Sa ngayon, puspusan na ang paghahanda ni Eala para sa WImbledon Championships na magsisimula ngayong Lunes sa London, England.
Sumalang na sa matinding ensayo si Eala sa All-England Club tennis courts kasama ang kaibigang si Zeynep Sonmez ng Turkey.
Target ni Eala na umusad sa edisyong ito ng Wimbledon matapos maagang masibak sa 2025 edisyon nang matalo ito kay dating Wimbledon champion Barbora Krejcikova ng Czech Republic sa opening round.
- Latest




















