Coach Baldwin, posibleng makulong

Walang Alien Employment Permit - DOLE
MANILA, Philippines — Posibleng makulong si Ateneo coach Tab Baldwin kung wala itong maipapakitang Alien Employment Permit (AEP) o kung makitaan ito ng paglabag sa pagkalunod ng dalawang student athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Ito ang tahasang sinabi ni Department of Labor and Employment Secretary Francis Tolentino na tatlong buwan hanggang tatlong taon ang maaaring bunuin ni Baldwin sa kulungan bago ito ipa-deport sa kanyang bansa.
Ayon kay Tolentino, mahalaga ang AEP ni Baldwin dahil dito makikita kung dapat ba itong magtrabaho sa bansa at kung hanggang kailan dapat itong magtrabaho.
Itinakda na ng DOLE sa Hunyo 29 ang pormal na pagdinig hinggil sa working permit verification ni Baldwin.
Sa ilalim ng panuntunan, mayroong 10-araw o hanggang sa Hunyo 25 upang magsumite ng beripikadong sagot at mga supporting documents si Baldwin.
“After June 25, magkakaroon tayo ng isang formal hearing sa June 29. Sang-ayon sa batas, sinusunod lang natin ‘yan. Allowed sila ng dalawang hearings pero kung isang hearing lang, after the initial hearing, we have 30 days to resolve,” ani Tolentino.
Nagprisinta naman ang kampo ni Baldwin ng Alien Certificate of Registration (ACR), na nagpapakita ng kanyang estado bilang legal na residente ng Pilipinas. Nilinaw ni Tolentino na ang ACR ay hindi otomatikong nag-aawtorisa sa isang dayuhan na magtrabaho sa bansa. Ang dokumento umano na hinihingi ng DOLE kay Baldwin ay ang AEP at ang existence at validity ng naturang permit ay malilinawan sa sandaling magsumite na siya ng beripikadong tugon.
Samantala, hindi rin sumipot si Baldwin at tatlong iba pa sa subpoena ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group para sana sa pag-uumpisa ng imbestigasyon ng pagkamatay sa lunod nina Baterbonia at Adili.
- Latest




















