History!

Knicks muling naghari matapos 53 taon
SAN ANTONIO - Tinapos ng New York Knicks ang 53 taong pagkauhaw sa korona matapos talunin ang Spurs, 94-90, sa Game 5 ng NBA Finals.
Humataw si point guard Jalen Brunson ng 45 points, kasama ang 13 sunod sa fourth quarter para pangunahan ang New York na huling naghari noong 1973.
Tinapos ng Knicks sa 4-1 ang kanilang best-of-seven series ng Spurs.
Nagawa nila ito mula sa pagbangon sa double-digit deficits sa apat na panalo sa serye.
Bumalikwas ang New York mula sa isang 16-point deficit para muling talunin ang San Antonio sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Nauna nang bumangon ang Knicks mula sa isang 29-point deficit sa Game 4 para agawin ang 107-106 panalo mula sa tip-in ni OG Anunoby sa huling 1.2 segundo.
“It’s surreal,” sabi ni New York coach Mike Brown na kinuha noong nakaraang taon at naging ika-24 coach simula nang magkampeon ang tropa noong 1973. “I still can’t believe it’s happened.”
Umiskor sina Mikal Bridges at Josh Hart -- ang dalawa sa “Nova Knicks” trio kasama si Brunson, tatlong players na mga NCAA champions sa Villanova University, ng pinagsamang 27 points.
Si Bridges ay may 14 markers kasunod ang 13 points ni Hart.
“I don’t know what I’m feeling,” ani Brunson, hinirang na Finals MVP. “I’m in awe. Whenever someone counted us out, we found a way to come back and do something about it.”
Samantala, umiskor si Fil-Am rookie guard Dylan Harper ng 25 para banderahan ang Spurs na nakakuha ng 19 points, 14 rebounds at 5 blocked shots kay Victor Wembanyama.
“This is the biggest lesson of my life, the biggest learning moment,” wika ng 7-foot-4 na si Wembanyama. “I can’t tell exactly what the lesson is, but we’re learning.”
Kaagad nagdiwang ang mga New Yorkers sa panalo ng Knicks.
“HISTORY,” isinulat ni New York City Mayor Zohran Mamdani sa social media at idinagdag ang championship parade na itinkakda niya sa Huwebes.
- Latest






















