Alas Pilipinas laglag sa No. 8 sa AVC Women’s Cup

CANDON CITY, Ilocos Sur , Philippines — Lumagapak sa eighth place ang Alas Pilipinas matapos nilang yumuko sa Iran, 21-25, 12-25, 21-25 sa classification match sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Cup na nilaro sa Candon City Arena kahapon dito.
Ibinuhos ng Pinay netters ang kanilang lakas subalit naging matatag ang Iranians sa kanilang battle-of-seventh place sa event na suportardo ng Philippine Sports Commission, FIVB, Volleyball World, AVC, POC at ng City of Candon sa pamumuno ni Mayor Eric D. Singson.
Ito pinaka-mababang pinuwestuhan ng Pilipinas sa lahat ng edition ng nabanggit na tournament, inupuan nila ang seventh place sa 2023 AVC Challenge Cup, na tayo rin ang punong-abala.
Pinamunuan ni Alyssa Solomon ang opensa para sa Alas sa nirehistrong 12 points mula sa 11 attacks at isang service ace, anim ang kinana ni Jov Gonzaga habang tumikada sina Nina Ytang at Alyssa Valdez ng lima at apat na puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nakitaan ng tikas ang Filipina spikers sa third set nang ibaba nila sa apat na puntos ang hinahabol pero determinado ang Iran at tinapos nila ang laban para mahablot ang seventh place.
Sinubukan naman ni Solomon na pamunuan ang puntusan sa set 1 pero kinapos pa rin kaya naman naghabol sila ng anim na puntos, 9-15 para tuluyan sikwatin ng Iran ang unang set win.
Bumira si Tots Carlos ng tatlong attack points, tig-2 points naman ang inambag nina Kyle Negrito at Thea Gagate.
- Latest


















