Ubas, Dequinan humirit ng ginto sa Philippine Open
MANILA, Philippines — Nanguna sina national team mainstays Sarah Dequinan at Janry Ubas sa mga gold medal winners sa opening day ng ICTSI Philippine Athletics Championships na ginaganap sa New Clark City Stadium sa Capas, Tarlac.
Piinagreynahan ni Dequinan ang women’s javelin throw matapos magtala ng impresibong 45.99m.
Malayo sa ikalawang puwesto si Elizabeth Sicat na may 38.56m habang pumangatlo naman si Irene Lamoste na nagsumite ng 33.97m.
Sa kabilang banda, matikas rin si Ubas na kinana ang ikaanim na sunod na korona sa men’s long jump sa tinalon na 7.61 metro para sungkitin ang ginto.
Ito ang ikasiyam na korona ni Ubas sa kabuuan sa National Open.
Nagkasya naman sa pilak si Kent Jardin na nagtala ng 7.43m habang nasiguro ni Joshua Patorara ang tansong medalya tangan ang 7.36m.
Naghari naman si Yacine Guermali sa men’s 5000m matapos magtala ng bagong rekord sa pamamagitan ng 14:15.34.
Binura ni Guemali ang dati nitong record na 14:18.83 na naitala nito noong 2024 edisyon ng torneo. Siya rin ang may hawak ng Philippine record na 13:28.40.
Wagi rin ng ginto si Arianna Dawn Rabi sa women’s shot put kung saan naglista ito ng 10.89m.
- Latest


















