World-ranked Pinoy speed cubers bibida sa Team Philippines

MANILA, Philippines — Babanderahan ni World No. 26 Brenton Angelo Lo Wong ang mga partisipante sa inaugural Philippine National Speed Cubing Open 2026 sa Mayo 27 at 28 sa Tagaytay City.
Makakasukatan ng Philippine No. 1 na si Wong, ang speed cubing champion mula sa Ateneo, si World No. 45 Sean Patrick Villanueva at sina Juan Miguel Magallanes at Leo Borromeo na magkasosyo sa No. 49 spot sa world rankings ng World Cube Association.
Nakataya ang rankings bukod sa medals at cash prizes sa unang nationally endorsed speed cubing tournament sa Pilipinas na pamamahalaan ng Asian Mind Sports Association (AMSA) katuwang ang Philippine Olympic Committee (POC).
Idaraos ang event sa Tagaytay City Combat Sports Center, ayon kay POC President Abraham “Bambol” Tolentino.
“World and national ranking points are at stake in the competition that’s why the national speed cubing community has gone excited,” sabi ni Tolentino sa event na magtatampok sa pinakamahuhusay na atleta ng bansa sa nasabing popular mind game na pinasikat ng Rubik’s Cube.
Sa Day 1 sa Mayo 27 gagawin ang Philippine National Speed Cubing Summit at AMSA Referee Certification Training, habang ang Day 2 kinabukasan ay ang tournament proper sa 3x3x3 cube, 2x2x2 cube, Pyraminx, 3x3x3 one-handed at 3x3x3 blindfolded.
Bilang unang nationally endorsed speed cubing open tournament sa bansa, ang event ay itinataguyod ng Stellar Cube na kumakatawan sa malaking hakbang para sa professionalization at integration ng speed cubing sa sports ecosystem ng bansa.
Lumagda ang AMSA sa isang strategic cooperation agreement sa POC para lalo pang mapayabong mind sports sa bansa.
- Latest
















