‘SiPons’ talsik sa 2026 Nuvali Challenge

SANTA ROSA, Laguna , Philippines — Tuluyan nang namaalam sina Alas Pilipinas duo Sisi Rondina at Bernadeth Pons sa Volleyball World Beach Pro Tour Nuvali Challenge matapos ang 20-22, 22-24 kabiguan kina Annique Niederhauser at Menia Bentele ng Switzerland sa Nuvali Sands Courts dito.
Ito ang ikalawang sunod na kamalasan nina Rondina at Pons sa modified pool play ng Group H makaraan ang naunang 19-21, 17-21 pagyukod kina Sofia Bisgaard at Cirkeline Hog ng Denmark.
Mula sa 20-22 pagsuko sa opening set ay itinayo nina Rondina at Pons ang 19-16 abante galing sa service error ni Bentele.
Ngunit isang 4-0 atake ang hinataw nina Bentele at Niederhauser para agawin ang 20-19 kalamangan.
Tuluyan nang tinapos ng Swiss tandem ang tsansa ng tinawag na ‘SiPons’ sa torneong inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) sa ilalim ni chairman Patrick Gregorio.
Ang panalo ang nag-akay kina Niederhauser at Bentele sa Round of 24.
Sina Bentele at Niederhauser ang sumibak kina Rondina at Pons sa 2025 Nuvali Challenge.
Umiskor si Rondina ng 12 points, habang may anim na marka si Pons sa kanilang final game ng event na itinataguyod ng Rebisco, Akari, Ayala Land at PLDT.
- Latest

















