Gilas haharap sa mas malakas na Australia

MANILA, Philippines — Daraan sa matinding pagsubok ang Gilas Pilipinas sa final window ng FIBA World Cup 2027 Asian Qualifiers na gaganapin sa Hulyo sa Perth, Australia.
Mas lalo pang nagpalakas ng lineup ang Australia men’s basketball team kung saan nadagdag sa listahan si Bryce Cotton.
Si Cotton ay isa sa pinakamahusay na player sa Australia National Basketball League.
Ito ang unang pagkakataon na maglalaro si Cotton para sa Boomers.
Unang pagsalang nito suot ang Boomers jersey sa Hulyo 3 laban sa Guam.
Sunod naman nito ang pagsabak ng Australia kontra sa Gilas sa Hulyo 6 sa RAC Arena sa Perth.
“Representing the Australian men’s national basketball team for the first time is something I don’t take lightly,” ani Cotton.
Maningning ang rekord ni Cotton sa NBL.
Tatlong beses itong nagkampeon sa liga habang anim na beses itong pinangalanan bilang league Most Valuable Player.
Si Cotton ay isang American-Australian player.
Naipormalisa ang naturalization nito noong nakaraang taon.
“Coming from where I come from, this opportunity means a lot to me and my family. Australia has embraced me from day one, and I’m grateful for the chance to wear the green and gold alongside a great group of guys,” ani Cotton.
Sa 2025-26 season ng NBL, naglaro si Cotton para sa Adelaide 36ers tangan ang averages na 25.9 points, 3.8 rebounds at 7.6 assists.
Nauna nang tinalo ng Australia ang Gilas (93-66) noong Marso sa second window ng qualifiers sa Mall of Asia Arena.
- Latest




















