Quita nalusutan ni Guld sa Stage 9

CANDON CITY, Ilocos Sur, Philippines - Si Ronnilan Quita ng 7Eeven Cliqq Road Bike Philippines sana ang naging ikalawang sunod na Pinoy rider na nagwagi ng stage sa MPTC Tour of Luzon 2026.
Ngunit sa kasamaang-pa lad ay nagkaroon ng aberya si Quita sa huling kilometro ng Stage Nine 137.6 km route na nagresulta sa pag-agaw ni Daniel Ridwan Guld ng CCN Factory Racing sa panalo kahapon dito sa harap ng Candon City Arena.
“Last one kilometer po naligaw ako. Pagkanan sa last 500 (meters), diretso po pala,” ani Quita. “Masakit pero okay lang po iyon marami pa namang chance.”
Nagposte ang 25-anyos na si Guld ng bilis na tatlong oras, 13 minuto at dalawang segundo para angkinin ang stage win kasunod sina Benedict Soriano at Daniel Jay Fariñas ng Team Pangasinan.
“With one kilometer to go with some of us took the wrong direction, so two guys took the lead, I tried to catch up to them and then in the last 100 meters I caught them,” ani Guld.
Tumapos si Quita, hinatak at hinawakan ang lead pack mula sa 50km mark hanggang maligaw, sa ikaapat na puwesto.
Nauna nang naghari si Ryan Tugawin ng Excellent Noodles Cycling Team sa Stage Eight bilang ikalawang Pinoy cyclist na nanalo ng stage matapos si Dave Montemayor ng Go for Gold Philippines sa Stage Three.
Samantala, hindi pa rin mahubad kay Stage Seven winner Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycle ang yellow jersey sa Individual General Classification sa kanyang oras na 26:01:59.
Kasunod ng Russian rider sina LCW-UAE teammate at Stage One winner Yousef Ibrahiem Alrefai (-00:01:38) at Mervin Corpuz ng 7-Eleven Cliqq (-00:04:15).
Bandera pa rin ang Go for Gold sa Team General Classification sa kanilang 103:15:35 kasunod ang Standard Insurance (-0:1:40) at 7-Eleven Cliqq (-0:3:04).
Bibitawan ngayong umaga ang Stage 10 131.2km route mula rito sa Candon City hanggang Cervantes.
- Latest



















