Nikita ‘di bibitawan yellow jersey sa Stage 8

PAGUDPUD, Ilocos Norte, Philippines — Hangad ni Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycle na mapanatiling suot ang yellow jersey, habang ibibigay ni Mervin Corpuz ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines ang lahat para makadikit sa Individual General Classification race ng MPTC Tour of Luzon 2026.
Pakakawalan ngayong umaga ang Stage Eight 148.4-kilometer race mula rito sa Pagudpud Town Hall patungong Paoay, Ilocos Norte.
“Of course, I will try my best to maintain my lead,” sabi ni Shulchenko na naghari sa Stage Seven 22.9-kilometer Individual Time Trial para sa kanyang unang stage win noong Martes.
Suot pa rin ng 26-anyos na Russian rider ang yellow jersey mula sa naipong 19:31:20 para sa Individual General Classification kasunod sina LCW-UAE teammate at Stage One winner Yousef Ibrahiem Alrefai (-00:01:38) at Mervin Corpuz ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines (-00:04:15).
“I just want to get the white jersey and help my teammate Nikita protect his lead going to the Stage Eight,” wika ng 19-anyos na si Alrefai.
“Ibibigay ko lang iyong best ko,” sambit naman ni Corpuz na inangkin ang overall sprint title sa 2025 edition laban kina Ean Cajucom at Jan Paul Morales.
Nasa top five rin sina 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines teammates Antoine Huby (-00:04:17) at Ronnilan Quita (-00:04:46).
Bumaba si 2025 winner Joo Dae Yeong ng Gapyeong Cycling sa No. 17 sa kanyang 0:02:49 sa 1,821.1-kilometer, 14-stage race na inihahandog ng Philippine Sports Commission katuwang ang Philippine Olympic Committee at PhilCycling.
Hawak pa rin ng Go for Gold ang liderato sa Team General Classification sa itinalang 77:13:38 kasunod ang Standard Insurance Philippines (0:01:01), 7-Eleven Cliqq (0:02:48), National Team Malaysia (0:06:09).
- Latest





















