Back-to-back kay Ivan

Stage 5 ng MPTC tour of Luzon 2026 sinikwat
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Muling naghari si Ivan Anisimov ng LCW UAE Cycle sa MPTC Tour of Luzon 2026 sa ikalawang sunod na pagkakataon matapos banderahan ang Stage Five 126.7 kilometer kahapon dito sa Tuguegarao City City Hall, Cagayan.
Nagsumite ang 26-anyos na Russian cyclist ng tiyempong dalawang oras, 47 minuto at 25 segundo sa isang mass sprint sa yugtong pinakawalan sa Santiago City, Isabela.
Nauna nang bumandera si Anisimov sa Stage Four 165.80kms na sumikad sa Palayan City, Nueva Ecija at nagtapos sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
“Today is good although it is very hot again,” sabi ng LCW UAE Cycle rider na nakakolekta ng 15 bonus points para sa kanyang ikalawang stage win. “Winning the stage again feels amazing for me.”
Nagsumite rin ng parehong oras na 2:47:25 sina Ryan Tugawin ng Excellent Noodles Cycling Team at Lee Jung Hoon ng Seoul Cycling Team sa 1,821.1-kilometer, 14-stage race na inihahandog ng Philippine Sports Commission katuwang ang Philippine Olympic Committee at PhilCycling.
Si Ean Cajucom ng Victoria Sports Pro Cycling ang unang back-to-back stage winner sa eight-stage ng 2025 MPTC Tour of Luzon matapos manalo sa Stages 3 at 4.
Samantala, patuloy na isinusuot ni LCW UAE Cycle teammate Nikita Shulchenko ang yellow jersey sa kanyang pagkolekta ng 13:46:45 para pamunuan ang Individual General Classification.
Si 2025 winner Joo Dae Yeong ng Gapyeong Cycling ay nasa No. 24 sa kanyang 3:30 minutong agwat kay Shulchenko.
Nangunguna pa rin ang Go for Gold sa Team General Classification sa kanilang oras na 56:15:28.
Bibitawan ngayong umaga ang Stage Six 223.7-km race patungong Pagudpud, Ilocos Norte.
- Latest




















