76ers sasagupa sa Knicks sa semis

BOSTON - Umabante si Joel Embiid at ang Philadelphia 76ers sa Eastern Conference semifinal round matapos sibakin ang Jayson Tatum-less Celtics, 109-100, sa Game 7 at isara ang kanilang first-round playoff series sa 4-3.
Ito ang ika-14 pagkakataon na may koponang nakabangon mula sa isang 1-3 deficit para manalo sa isang serye.
Humakot si Embiid ng 34 points, 12 rebounds at 6 assists habang tumipa si Tyrese Maxey ng 30 points, 11 rebounds at 7 assists.
Nagdagdag si VJ Edgecombe ng 23 points at may 13 markers si Paul George para sa No. 7 seed Philadelphia na lalabanan ang No. 3 New York Knicks sa semifinals.
Si Embiid, unang naglaro sa Game 4 matapos magrekober sa appendectomy surgery, ang unang player sa NBA history na umiskor ng 100 points sa isang playoff series bagama’t hindi naglaro sa Games 1, 2 at 3.
Kumamada si Jaylen Brown ng 33 points sa panig ng Boston.
Inilista ng 76ers ang isang 18-point lead sa third quarter bago ito napababa sa 92-91.
Ang layup ni Maxey ang naglayong muli sa Philadelphia sa 103-98 sa huling 1:15 minuto kasunod ang apat na sunod na mintis ng Boston.
Tuluyan nang kinuha ng 76ers ang 105-98 kalamangan mula sa dalawang free throws ni Maxey.
- Latest




















