Creamline may pinatunayan sa 2026 PVL AFC Finals

MANILA, Philippines — Para kay Jema Galanza, ang 2026 Premier Volleyball League All-Filipino Conference na ang pinakamatamis at pinakamahirap na torneong pinagreynahan ng Creamline.
Matapos matalo sa PLDT High Speed Hitters sa kanilang unang laro ay limang sunod na panalo ang hinataw ng Cool Smashers para kaagad makabalik sa pamatay na porma.
Nakapasok sila sa Qualifying Round kung saan naman sila inilaglag ng Cignal Super Spikers sa play-in stage.
Pinatumba ng Creamline ang Akari sa play-in bago niresbakan ang PLDT sa unang laban sa single round-robin semifinals.
Muling yumukod ang Cool Smashers sa Super Spikers sa ikalawa nilang laro sa semis kasunod ang four-set win sa Farm Frsh Foxies papasok sa best-of-three championship series.
Bumawi ang Creamline at winalis ang Cignal sa kanilang titular showdown para kunin ang ika-11 PVL crown.
“Para sa akin ito ‘yung happiest and most memorable na championship na napanalunan namin kasi ‘yung mga teams na natalo kami, nakabawi kami ngayong conference,” sabi ni Galanza.
Nagposte ang dating Adamson Lady Falcons star ng triple-double na 12 points, 19 excellent digs at 16 excellent receptions sa 25-23, 22-25, 25-16, 16-25, 15-11 pagsibak ng Cool Smashers sa Super Spikers sa Game Two noong Huwebes sa Smart Araneta Coliseum.
“Bago kami nakapasok talaga sa Finals, talagang dinaan namin lahat nu’ng tumalo sa amin. And alam mo, ‘yun pa lang, parang nakaka-proud na. And na-prove din namin sa self namin na kaya talaga namin na mag-champion basta sama-sama kami,” dagdag ng 29-anyos na si Galanza.
Huling nagkampeon ang Creamline noong 2024 PVL Invitationals kung saan nila tinalo ang Cignal, 3-2, sa kanilang title series.
- Latest



















