Blackwater lalo pang inihulog ng Phoenix

MANILA, Philippines — Winakasan ng Phoenix ang dalawang sunod na kamalasan matapos patumbahin ang Blackwater, 125-108, sa Season 50 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Montalban, Rizal.
Kumolekta si import James Dickey III ng kumpletong 27 points, 20 rebounds, 5 assists, 3 steals at 3 blocks para itaas ang baraha ng Fuel Masters sa 4-3.
Nagdagdag si Jason Perkins ng 25 markers at may 20, 14 at 13 markers sina Ken Tuffin, Tyler Tio at Ricci Rivero, ayon sa pagkakasunod.
“I still think we can get better,” wika ni head coach Charles Tiu. “I’m upset with our last two losses against NLEX and Ginebra. I still felt we could have won those games.”
Lagapak ang Bossing sa ikaanim na dikit na kabiguan para sa 1-6 kartada.
Kinuha ng Phoenix ang first period, 34-26, kung saan humataw si Sedrick Barefield ng 16 points para sa Blackwater.
Kumalawa ang Fuel Masters sa pagsisimula ng second quarter, 46-34, patungo sa pagpoposte ng 60-47 abante sa huling 2:21 minuto bago ang halftime.
Tuluyan nang nabaon ang Bossing sa 70-89 sa 5:17 minuto ng third canto mula sa triple ni Tuffin.
Ang dalawang free throws ni Rivero sa huling 2:49 minuto ng fourth quarter ang naglayo sa Phoenix sa 122-98.
Mula rito ay hindi na nakabangon ang Blackwater.
Kumana si seven-foot import Robert Upshaw ng 36 points sa panig ng Bossing ni coach Pat Aquino.
Tumapos si Barefield na may 27 markers.
Samantala, lalabanan ng Barangay Ginebra ang Terrafirma ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang laro ng TNT Tropang 5G at Titan Ultra.
- Latest


















