Gilas 3x3 Women sasabak sa Asian Beach Games
MANILA, Philippines — Hindi makakasama sina Afril Bernardino at Kacey Dela Rosa sa kampanya ng Gilas Pilipinas 3x3 Women team sa parating na 6th Asian Beach Games na idaraos sa Sanya China.
Ito ay dahil nagbalik si Bernardino sa kanyang WMPBL team Batangas New Zealand Bluefire, habang muling dadalhin ni Dela Rosa ang Ateneo De Manila University sa UAAP 3x3 competition.
Sina Bernardino at Dela Rosa, kasama sina Mikka Cacho, Cheska Apag at Reynalyn Ferrer, ang mga miyembro ng Gilas Women na kumuha ng tiket para sa 3x3 World Cup na idaraos sa Warsaw, Poland sa Hunyo 1-7.
Tinalo ng mga Pinay cagers ang host Singapore, 21-10, sa qualifiers para makuha ang ikatlo at huling 3x3 World Cup berth.
Makakasama nina Cacho at Ferrer sina Gabi Elisha Bade at Hazelle Yam sa pagsabak ng Gilas Women sa Asian Beach Games sa Abril 25 hanggang 29.
Bukod sa Gilas Women, ang iba pang lalahok sa ABG ay ang China, Chinese Taipei, India, Indonesia, Kazakhstan, Kyrgystan, Macau, Malaysia, Mongolia, Qatar, Saudi Arabia, Singapore, Sri Lanka at Thailand.
Samantala, isasalang ng Gilas Pilipinas 3x3 Men sina Nick Cabanero, Rodel Gravera, Sean Aldous Torculas at Zedjay Etulle.
Kagaya ng Gilas Women, ang gold medal rin ang target ng Gilas Men.
Makakaagawan nila sa ginto ang Qatar, Thailand, Mongolia, Macau, Malaysia, Iran, China Indonesia, India, Indonesia, Singapore, Baharain, Sri Lanka, Chinese Taipei at Kazakhstan.
- Latest


















