Lakers tinapos ang 3-game slide
SAN FRANCISCO - Nagkuwintas si LeBron James ng 26 points, 11 assists at 8 rebounds para banderahan ang Los Angeles Lakers sa 119-103 pagpapatumba sa Golden State Warriors.
Tumipa ang 41-anyos na si James ng 11-for-17 field goal shooting para sa Lakers (51-29) na pinigilan ang three-game losing skid.
Nagdagdag si center Deandre Ayton ng 21 points at kumolekta si Jake LaRavia ng 16 points, 7 rebounds at 4 assists.
Hindi naglaro sina injured starters Luka Doncic at Austin Reaves.
Umiskor sina Brandin Podziemski at Nate Williams ng tig-17 points sa panig ng Warriors (37-43) na maglalaro sa play-in tournament bilang No. 10 seed sa Western Conference.
Ipinahinga ng Golden State si star guard Stephen Curry na sumabak sa dalawang laro matapos ang 27-game absence dahil sa right knee injury.
Kinuha ng Los Angeles ang 53-49 abante sa halftime bago kumamada ng 37 points sa fourth quarter patungo sa ikaapat na sunod nilang pagdaig sa Golden State.
Sa iba pang laro, pinadapa ng New York Knicks ang Boston Celtics, 112-106; at panalo ang Houston Rockets sa Philadelphia 76ers, 113-102.
- Latest


















