Lady Blazers, Lady Knights unahang dumikit sa NCAA crown
MANILA, Philippines — Sisimulan ng nagdedepensang De La Salle-College of Saint Benilde at Colegio de San Juan de Letran ang kanilang best-of-three championship series para sa korona ng NCAA Season 101 women’s volleyball tournament.
Maglalaban ang Lady Blazers at Lady Knights ngayong alas-12 ng tanghali sa Game One ng kanilang titular showdown sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
Pupuntiryahin ng St. Benilde ang kanilang pang-limang sunod na titulo sa likod nina Zam Nolasco, Chenae Basarte, Shahanna Lleses, Cam Bartolome at Fiona Inocentes.
Sina Vanessa Sarie, Judiel Nitura, Gia Maquilang, team captain Lara Mae Silva at Joralyn Panangin ang babandera sa Letran.
Winalis ng Lady Blazers ang Perpetual Lady Altas, 2-0, habang tinakasan ng Lady Knights ang San Beda Red Lady Spikers, 2-1, sa Game Three ng kanilang mga semifinals series para itakda ang finals trilogy.
Sa alas-3 ng hapon maghaharap ang St. Benilde Blazing Spikers at Mapua Cardinals para sa series opener ng men’s finals.
- Latest


















