Laure, Choco Mucho reresbak

MANILA, Philippines — Bagama’t nasibak sa play-in phase ng 2026 Premier Volleyball League All-Filipino Conference ay positibo si Choco Mucho star hitter Eya Laure na makakabawi sila sa susunod na torneo.
“Siyempre, lahat kami self-reflect and siyempre, nandun na rin na malungkot, but makikita naman na everyone’s looking forward kagad sa next conference,” ani Laure. “I think prioritize talaga muna namin is mag-recover.”
Nakalasap ang Flying Titans ng 15-25, 25-23, 16-25, 19-21 kabiguan sa Akari Chargers sa kanilang play-in match noong nakaraang Sabado.
Sa nasabing pagkakasibak ng Choco Mucho ay kumolekta ang 27-anyos na si Laure ng triple-double na 20 points, 11 digs at 12 receptions.
Ito pa lamang ang unang komperensya ng dating team captain ng University of Santo Tomas Golden Tigresses para sa Choco Mucho.
Saktong Enero 1 nang ihayag ng Flying Titans ang pagkuha nila kay Laure na natengga ng halos dalawang taon dahil sa kanyang contractual issue sa Chery Tiggo Crossovers.
“I think maging patient lang talaga ako sa sarili ko kasi unang conference pa lang,” wika ng 5-foot-10 spiker na anak ni dating PBA forward Eddie Laure.
Patuloy pa rin ang kanyang adjustment sa sistema ni Choco Mucho coach Dante Alinsunurin.
Matapos ang Holy Week break ay magbabalik ang mga aksyon sa Abril 7 kung saan dalawang semifinals berth ang pag-aagawan ng Chargers at Creamline Cool Smashers at ng Nxled Chameleons at Farm Fresh Foxies.
Napasakamay na ng sister teams PLDT at Cignal ang unang dalawang semis berths.
- Latest



















