Cansino bida sa Bolts

MANILA, Philippines — Kaagad bumangon ang Meralco mula sa unang kabiguan para patumbahin ang Titan Ultra, 118-105, sa Season 50 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumira si guard CJ Cansino ng team-high 26 points bukod sa anim na rebounds at limang assists para sa 3-1 record ng Bolts na bumalikwas mula sa 102-109 talo sa import-less Rain or Shine Elasto Painters noong Biyernes.
Nag-ambag si import Marvin Jones ng 24 markers at 14 boards.
“It was good that the guys responded naman. The first two quarters we did well. I thought everybody played good basketball,” ani coach Luigi Trillo. “In that second half we give it Titan when they run that full court trap, nag-small ball sila, they took the import (Michael Gilmore) out.”
Bigo ang Giant Risers, nakakuha kay rookie guard Bryan Sajonia ng game-high 29 points, na maduplika ang 119-112 paggulat sa San Miguel Beermen noong Marso 21 at nahulog sa 1-3 baraha.
Binuksan ng Meralco ang laro sa 7-0 patungo sa pagtatala ng 32-18 abante sa first period.
Tuluyan na nilang ibinaon ang Titan Ultra sa 51-31 sa 4:19 minuto bago ang halftime mula sa three-point shot ni Chris Newsome.
Itinayo ng Bolts ang 68-42 bentahe galing sa triple ni Jones sa gitna ng third period hanggang ikasa ang isang 28-point lead, 86-58, sa huling 2:31 minuto nito.
Isinara ng 2024 PBA Philippine Cup champion ang nasabing yugto bitbit ang 89-65 kalamangan.
Ngunit hindi bumigay ang Giant Risers at sa likod nina Sajonia at Jerrick Balanza ay nakalapit sa 87-95 sa 6:47 minuto ng fourth quarter.
Isang maikling 9-0 atake nina Newsome, Cansino, Brickman at Bong Quinto ang muling naglayo sa Meralco sa 106-89 sa huling 3:10 minuto ng laro.
Mula rito ay hindi na nakalapit ang Titan Ultra.
- Latest




















