Pacquiao-Mayweather 2 exhibition lang
MANILA, Philippines — Isang exhibition lamang ang rematch nina eight-division world champion Manny Pacquiao at undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr. sa Setyembre 19.
Ito ang mismong inihayag ni Mayweather kahapon sa isang video na inilabas ng Vegas Sports Today.
Nauna nang inihayag na sa Sphere sa Las Vegas, Nevada ito gaganapin.
Ngunit sinabi ni Mayweather na wala pa itong alam kung saan eksaktong venue idaraos ang rematch.
“As of right now, we don’t know exactly where the fight is going to be at. The Sphere is one of the places that they’ve talked about, so we don’t know if it’s 100% going to be there,” ani Mayweather.
Kung exhibition lamang ang laban nina Pacquiao at Mayweather, hindi ito magiging official count sa rekord ng dalawa.
Kaya naman kung matatalo ni Pacquiao si Mayweather sa kanilang rematch, hindi mababahiran ang rekord ng American fighter na kasalukuyang may 50-0 marka.
Maliban sa Pacquiao rematch, meron ding nakalinyang exhibition matches si Mayweather.
Una na ang exhibition nito kay dating heavyweight champion Mike Tyson sa Abril at ang isa pa laban kay kickboxer Mike Zambidis na gaganapin naman sa Greece.
“If I’m just sitting at home and I’m working out every day and spending time with my grandson and spending time with my children, I said why not go out and have little fun and entertain the public with some exhibitions?” ani Mayweather.
Ito ang unang paghaharap nina Pacquiao at Mayweather matapos ang mahigit isang dekada.
Unang nagtagpo ang dalawa noong Mayo ng taong 2015 sa Las Vegas kung saan nanalo si Mayweather via unanimous decision.
- Latest

















