Bolts sinapawan ng import-less Painters

MANILA, Philippines — Natakasan ng Rain or Shine ang Meralco, 109-102, para solohin ang liderato ng Season 50 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Umiskor si point guard Felix Lemetti ng team-high 23 points para tulungan ang Elasto Painters na ipinta ang 3-0 record.
Nagdagdag si Adrian Nocom ng 17 markers, habang may 12 points at anim na rebounds si Christian Manaytay na sumalo sa trabaho ni import Jaylen Johnson na nagsilbi ng kanyang one-game suspension mula sa suntukan nila ni Glenn Khobuntin ng TNT Tropang 5G.
“Psychologically, we had the upperhand playing with nothing to loose actually, expectations going against us winning the game,” wika ni coach Yeng Guiao.
“The guys were just playing as hard as they can. It’s sheer toughness. We played with a lot of toughness,” dagdag nito.
Bumanat si Chris Newsome ng game-high 29 points sa panig ng Bolts na may 2-1 baraha ngayon at nakahugot kay seven-foot import Marvin Jones ng 17 markers at 16 rebounds.
Mula sa 29-23 abante sa first period ay itinayo ng Rain or Shine ang 45-28 bentahe sa 5:05 minuto ng second quarter.
Sa likod ni Jason Brickman ay nakalapit ang Meralco sa pagtatapos ng third period, 76-80, hanggang makadikit sa 94-95 sa huling apat na minuto ng final canto.
Ngunit isang 14-3 atake ang inilunsad ng Elasto Painters para muling makalayo sa 108-97.
Samantala, lalabanan ng San Miguel si import Bol Bol at ang TNT ngayong alas-7:30 ng gabi sa Big Dome.
- Latest




















