Ratsada ng Terrafirma tinapos ng Phoenix

MANILA, Philippines — Tinapos ng Phoenix ang maliligayang araw ng Terrafirma matapos kunin ang 133-105 panalo sa Season 50 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ang bounce back win ng Fuel Masters ang nagtabla sa kanila sa Dyip sa magkatulad nilang 3-1 record.
Nagpaputok si Ricci Rivero ng career-high 40 points tampok ang pitong three-point shots bukod sa walong assists, anim na rebounds at tatlong steals para banderahan ang Phoenix, habang may 14 markers at 13 boards si import James Dickey III.
Pinamunuan ni Jerrick Ahanmisi ang Terrafirma sa kanyang 37 points kasunod ang 13 markers ni import Mubashar Ali.
Matapos makatabla sa 41-41 sa second period ay kumawala ang Fuel Masters sa likod nina Rivero at Dickey para sa kanilang 56-46 halftime lead.
Tuluyan nang nabaon ang Dyip sa 55-78 sa 6:03 minuto ng third quarter galing sa drive ni Rivero.
Itinala ng Phoenix ang 32 point advantage, 109-77, mula sa magkasunod na tres nina Prince Caperal at Francis Escandor sa 8:41 minuto ng final canto patungo sa 125-97 abante sa Terrafirma.
- Latest




















