Giant Risers sunog sa Fuel Masters

MANILA, Philippines — Kagaya ng Terrafirma, itinuloy din ng Phoenix ang pagpapasikat sa Season 50 PBA Commissioner’s Cup.
Inilista ng Fuel Masters ang ikalawang sunod na panalo matapos pabagsakin ang Titan Ultra Giant Risers, 109-76, kahapon sa Ynares Center sa Montalban, Rizal.
Ibinuhos ni point guard Evan Nelle ang lahat ng kanyang 14 points sa fourth quarter tampok ang tatlong four-point shots para sa 2-0 record ng Phoenix na nagmula sa 101-98 pagtakas sa Magnolia.
“It’s very hard to win against any team,” sabi ni coach Charles Tiu. “So we’re happy to go and get the back to back wins.”
Kumolekta si Ricci Rivero ng 18 points, 9 rebounds, 4 assists at 2 steal habang may tig-17 markers sina import James Dickey III at Ken Tuffin kasunod ang 13 points ni Bryan Santos.
Laglag ang Titan Ultra sa 0-2 kasama ang 82-112 kabiguan sa Terrafirma sa una nilang laro.
Maagang kumawala ang Fuel Masters sa pagtatayo ng 29-17 abante sa first period patungo sa 38-17 pagbaon sa Giant Risers sa second quarter mula sa ‘Pinoy step’ ni Rivero.
Sa likod nina import Michael Gilmore at Joshua Munzon ay nakabalik ang Titan Ultra sa 53-59 sa 7:55 minuto ng third canto.
Isinara ng Phoenix ang nasabing yugto bitbit ang 73-64 bentahe bago bumida si Nelle para sa kanilang muling paglayo sa 89-66 sa 8:37 minuto ng fourth period.
Lalo pang naiwanan ang Giant Risers sa 74-103 matapos ang ratsada nina Dickey, Tuffin at Francis Escandor sa huling 2:41 minuto ng labanan.
Humakot si Gilmore ng game-high 27 points para sa Titan Ultra.
- Latest


















