Diretsong 7 sa La Salle

MANILA, Philippines — Nakumpleto ng La Salle ang pagwalis sa unang round matapos hambalusin ang karibal at kampeon na National U, 25-21, 25-19, 19-25, 25-17, sa UAAP Season 88 women’s volleyball sa harap ng 18,351 fans kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Humataw ng 19 puntos si Shevana Laput sa 15 hits, 3 tapal at 1 ace upang trangkuhan sa 7-0 rekord ang Lady Spikers papasok sa krusyal na second round.
Nagdagdag ng 14 at 12 puntos sina Angel Canino at Amie Provido para sa Lady Spikers, na napatid din ang 5 sunod na kabiguan kontra sa Lady Bulldogs kabilang na ang 0-2 sweep sa finals noong Season 87.
Iniskor ni Provido ang 4 sa kanyang output sa 7-1 panapos na bomba ng La Salle matapos muntikang lustayin ang 15-3 simula sa 4th set nang makalapit sa hanggang 16-18 ang NU sakay ng 13-3 ratsada sa pangunguna ni Sam Cantada.
Umiskor ng 13 puntos si Cantada habang may 10, 8 at 7 puntos sina Chams Maaya, Celine Marsh at Arah Panique para sa Lady Bulldogs na nagkasya lang sa segunda puwesto pagkatapos ng 1st round hawak ang 5-2 kartada.
Sa unang laro, nakalipad sa loob ng Top 4 ang Adamson matapos sa wasiwasin ang University of the Philippines, 25-18, 25-16, 25-19.
Kinailangan lang ng Lady Falcons ng 79 minuto upang hatawin ang Fighting Maroons at makaangat sa 4-3 kartada kasosyo ang UST at FEU sa tersera puwesto papasok sa third round.
“We are really glad na ngayon since paghawak ko sa kanila, ito ‘yung best record for the first round. But still marami pa kaming iwo-work on para sa second round ready kami ulit to compete again,” ani Yude, dating Adamson juniors head coach bago palitan si Jerry Yee na minanduhan sa 5-2 kartada ang Lady Falcons noong 2023.
Bumida para sa Lady Falcons si Nigerian Frances Mordi na may 18 puntos.
Laglag ang UP sa 3-4 kartada.
- Latest


















