Yulo, Cruz hahataw sa World Cup
MANILA, Philippines — Dalawang mahuhusay na gymnasts ang ipadadala ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) sa prestihiyosong World Cup Series Baku Leg na gaganapin sa Milli Gimnastika Arensi sa Baku, Azerbaijan mula Marso 5 hanggang 8.
Mangunguna sa kampanya ng Pinoy gymnasts si World Junior Championships bronze medalist Karl Eldrew Yulo kasama si SEA Games gold medalist Ivan Cruz.
Optimistiko ang pamunuan ng GAP sa magiging kampanya ng Pinoy gymnasts lalo pa’t pukpukan ang naging paghahanda nito bago ang torneo.
“Our SEA Games Gold Medalist and Junior World Bronze medalist, now Senior gymnast, is up to face the MAG Team’s first world cup for 2026 in Baku, Azerbaijan,” ayon sa post ng GAP sa social media.
Mapapalaban sina Yulo at Cruz sa matitikas na gymnasts sa buong mundo.
“Wishing the best of luck to John Ivan Cruz and Karl Jahrel Eldrew Yulo as they compete against the world’s top individual apparatus gymnasts,” ayon pa sa GAP.
Ito ang unang pagkakataon na masisilayan si Yulo sa seniors division.
Dahil dito, maaari nang sumabak si Yulo sa susunod na edisyon ng Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa susunod na taon at sa 2026 Asian Games na idaraos naman sa Nagoya, Japan.
Huling nasilayan sa aksyon si Yulo sa FIG Junior World Championships na ginanap sa Maynila noong Nobyembre kung saan humirit ito ng dalawang tanso sa floor exercise at horizontal bar.
- Latest





















