Belen kailangan ng tulong

MANILA, Philippines — Humataw si star spiker ‘Wonder’ Bella Belen ng pinagsamang 132 points sa limang laro ng Capital1 Solar Energy sa 2026 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.
Aminado ang 2025 PVL Rookie Draft No. 1 pick na hindi niya kayang buhatin mag-isa ang Solar Spikers ni Brazilian coach Jorge Souza de Brito.
“On my part, I’m always doing my best talaga kung ano ‘yung alam kong kaya kong gawin for the team. Kung ano ‘yung kaya kong maitulong for the team,” sabi ni Belen.
“Kailangan lang sigurong bumalik kami sa drawing board. Titingnan namin kung ano pa ‘yung kulang namin as a team and as individuals,” dagdag ng three-time UAAP MVP ng National University.
Lalabanan ng Capital1 (2-3) ang mapanganib na Farm Fresh (2-2) ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang salpukan ng Galeries Tower (2-2) at bumubulusok na Choco Mucho (1-3) sa alas-6:30 ng gabi sa FilOil Centre sa San Juan City.
Nagmula ang Solar Spikers sa 18-25, 24-26, 20-25 kabiguan sa 10-time PVL champions Creamline Cool Smashers (3-1) sa huli nilang laban.
Matapos naman ang 0-2 panimula ay dalawang dikit na panalo ang hinataw ng Foxies laban sa Highrisers at ZUS Coffee Thunderbelles (1-4).
Huhugot ng suporta si Belen kina Leila Cruz, Sydney Niegos, Ysa Jimenez, Ezra Madrigal, France Ronquillo at Cherry Nunag para sa bounce back win ng Capital1.
Sina Dela Cruz, Trisha Tubu, Mylene Paat, Ces Molina, Ara Galang, Royse Tubino, Riri Meneses at Fil-Am setter Alohi Robins-Hardy ang itatapat ng Farm Fresh.
Sa- ikalawang laro, pakay ng Galeries Tower ang back-to-back wins sa pagsagupa sa Choco Mucho.
- Latest





















