Pacquiao payag labanan si Ryan Garcia

MANILA, Philippines — Inamin ni Manny Pacquiao na saglit niyang napanood ang title fight nina Ryan Garcia at dating World Boxing Council (WBC) welterweight champion Mario Barrios.
Nilabanan ni Pacquiao si Barrios noong nakaraang taon para sa kanyang pagbabalik sa boxing ring matapos ang isang four-year hiatus.
Ngunit kinapos ang Filipino southpaw sa paghahamon niya kay Barrios noong Hulyo na nauwi sa draw.
Noong Linggo ay nagawa ni Garcia ang hindi nagawa ni Pacquiao nang talunin si Barrios via unanimous decision para agawin ang WBC 147-pound titlist.
Matapos dumalo sa ceremonial signing ng partnership ng kanyang Maharlika Pilipinas Basketball League at ng SportsPlus sa Gameville Ball Park sa Mandaluyong ay natanong si Pacquiao ng Philstar.com ukol sa Barrios-Garcia bout.
“Yes, but just portions of it,” sabi ni Pacquiao.
Pinabagsak ni Garcia si Barrios sa first round na naging simula ng dominasyon ng controversial American.
Sa edad na 47-anyos ay nakatutok pa rin si Pacquiao sa world title, at si Garcia ang nasa radar ni 'Pacman'.
“Puwede. Bakit naman hindi?,” wika ni Pacquiao sa paghahamon niya kay Garcia.
Noong nakaraang linggo ay inihayag ang pagsagupa ni Pacquiao sa kanyang dating sparring partner at ex-world champion na si Ruslan Providnikov sa isang exhibition fight sa Abril 18 sa Las Vegas.
Makaraan ang ilang araw ay inihayag ni Floyd Mayweather Jr. — ang megabuck showdown kay Pacquiao noong 2015 ang naging richest boxing match ever — ang laban niya kay Mike Tyson sa isang showcase bout.
“Abangan niyo ang mga announcement pa,“ wika ni Pacquiao sa posibleng rematch nila ni Mayweather.
- Latest


















