Eala maraming natutunan sa Middle East swing
MANILA, Philippines — Dumaan sa matinding pagsubok si Alex Eala sa loob ng tatlong linggong sunud-sunod na torneo ng WTA Tour sa Middle East.
Ngunit sa kabila ng pagod, puyat at sakripisyo, maraming natutunan si Eala na dadalhin nito sa kanyang mga susunod na malalaking laban.
Galing si Eala sa quarterfinal finish sa katatapos na Dubai Tennis Championships sa Dubai, United Arab Emirates.
Lumasap ito ng 6-0, 6-2 kabiguan sa kamay ni World No. 4 at reigning French Open champion Coco Gauff ng Amerika.
Aminado si Eala na marami pa itong kakaining bigas upang maabot ang parehong estado ni Gauff.
“I think there’s still definitely a gap in terms of me and Coco and other players of her caliber,” ani Eala.
Ngunit handa si Eala na gawin ang lahat upang makadikit sa lebel ng mga world class players sa WTA Tour..
“My job is to try and close that gap. So, I’ll keep working on it and hopefully next time we’ll be a bit of a fighter,” dagdag ni Eala.
Maraming malalaking torneong nakalinya para kay Eala sa susunod na buwan.
Una na ang prestihiyosong BNP Paribas Open na magsisimula sa Marso 4 sa Indian Wells sa Amerika.
Ito ay isang WTA 1000 tournament na lalahukan ng Top 10 players sa mundo kabilang na sina Aryna Sabalenka ng Belarus at Iga Swiatek ng Poland.
Kasunod nito ang isa pang WTA 1000 event — ang Miami Open na papalo naman sa Florida.
Maganda ang alaala ni Eala sa Miami Open kung saan nakaabot ito sa semifinals noong nakaraang taon.
Maliban sa BNP Paribas Open at Miami Open, kumakaway na rin ang ikalawang Grand Slam ng taon — ang French Open na gaganapin naman sa Paris, France sa Mayo — at ang ikatlong Grand Slam na Wimbledon Championships sa Hunyo sa England.
- Latest


















