‘The Phenom’ sasagupa kay ‘Wonder Bella’

MANILA, Philippines — Papagitna ang puksaan nina Alyssa ‘The Phenom’ Valdez ng Creamline at ‘Wonder’ Bella Belen ng Capital1 Solar Energy sa 2025 Premier Volleyball League All-Filipino Conference sa FilOil Centre sa San Juan City.
Maghaharap ang Cool Smashers at Solar Spikers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang banggaan ng Farm Fresh Foxies at ZUS Coffee Thunderbelles sa alas-6:30 ng gabi.
Nasa isang two-game winning run ang Creamline (2-1) matapos talunin ang Choco Mucho (1-3) at ZUS Coffee (1-3).
Umiskor naman ang Capital1 (2-2) ng 25-21, 18-25, 25-18, 19-25, 15-10 panalo sa Choco Mucho tampok ang career-high 29 points ni Belen.
Sabik na ang 32-anyos na si Valdez na makatapat ang 23-anyos na si Belen.
“Very excited and looking forward na sana mabigyan namin siya ng magandang laban,” sabi ni Valdez kay Belen, ang three-time UAAP MVP mula sa National University Lady Bulldogs.
Isa si Valdez sa mga tinitingala ni Belen.
“Siyempre si Ate Alyssa since isa siya sa mga legend sa UAAP and ngayon naman napapakita niya pa rin na every time ipapasok siya sa court, talagang maasahan siya ng team,” pagpuri ni Belen kay Valdez.
Samantala, target ng Foxies ang back-to-back wins sa Thunderbelles.
- Latest




















