Debut ni Brickman sa Bolts diniskaril ng Kings
MANILA, Philippines — Maalat ang naging debut ni super rookie Jason Brickman para sa Meralco na nakalasap ng 88-79 kabiguan kontra sa dayong Ryukyu Golden Kings ng Japan matapos ang 88-79 kabiguan upang masibak mula sa 2026 East Asia Super League (EASL) Home and Away Season 3 kamakalawa ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nangitlog si Brickman sa 7 minutong aksyon para sa purnadang debut matapos hintayin ng Meralco dahil sa kampanya niya sa MPBL para sa Abra Solid North Weavers, na ginabayan niya sa kampeonato at nasikwat pa ang Finals MVP plum.
At hindi lang si Brickman ang local player na matamlay ang naging performance dahil wala maski isang nakarehistro ng double digits.
Nagkasya lang sa 7 puntos si CJ Cansino habang may 3 lang ang kapitang si Chris Newsome na kagagaling lang sa knee injury sa PBA Season 50 Philippine Cup semifinals.
Bigo silang masuportahan ang 24, 18, 12 at 10 puntos ng mga imports na sina Ismael Romero, Cady Lallane, Justin Brownlee at Asian import Sina Vahedi ng Iran, ayon sa pagkakasunod.
Si Romero ang nakatakdang maging import ng Bolts sa papalapit na Commissioner’s Cup.
“They played a great game, especially in the beginning of the game. But just gotta give a lot of credit to our team as well. We fought hard, fought through a lot of adversity out there,” ani Justin Brownlee na on-loan lang muna ng Meralco mula sa Barangay Ginebra para sa EASL.
Nagtapos sa 3-3 kartada ang Meralco at napatid ang three-game winning streak sa Group B upang maiwang walang kinatawan sa EASL playoffs ang PBA sa ikatlong sunod na season.
Binalewala ng Ryukyu ang homecourt advantage ng Meralco nang bumulusok sa 17-7 ratsada at lumamang pa ng hanggang 20 puntos, 74-54, sa 3rd quarter.
- Latest






















