Pacers lusot sa Knicks sa OT

NEW YORK - Bumira si Pascal Siakam ng 30 points at naglista si Andrew Nembhard ng 24 points at 10 assists para tulungan ang Indiana Pacers sa 137-134 overtime victory sa karibal na Knicks.
Itinampok sa laro ang 39 lead changes na pinakamarami sa NBA ngayong season.
Iniskor ng Indiana (14-40) ang unang siyam na puntos sa overtime at nalampasan ang pagbangon ng New York (34-20) sa huling 24.3 segundo.
May walong players ang Pacers na kumamada ng double figures at nagtala ng 43 bench points kumpara sa 18 markers ng Knicks.
Nagpasabog si point guard Jalen Brunson ng 40 points bukod sa walong assists at limang rebounds para sa ikalawang kabiguan ng New York sa huling 11 laro at pang-pito sa kanilang 28 home games.
Humakot si Josh Hart ng 15 points, 11 rebounds at 11 assists para sa kanyang ikalawang triple-double sa season habang nagposte si center Karl-Anthony Towns ng 22 points at 14 rebounds bago na-foul out sa huling 2:14 minuto sa overtime.
Ang dalawang clutch free throws ni Towns mula sa foul ni Indiana guard Aaron Nesmith sa natitirang 0.2 segundo sa regulation ang nagdala sa overtime period.
Sa Los Angeles, iniskor ni 7-foot-4 Victor Wembanyama ang 37 sa kanyang season high-tying 40 points sa first half sa 136-108 demolisyon ng San Antonio Spurs (37-16) sa Lakers (32-21).
Sa iba pang laro, sinunog ng Phoenix Suns ang Dallas Mavericks, 120-111; at panalo ang Houston Rockets sa Los Angeles Clippers, 102-95.
- Latest

























