Eala hahataw vs turkish sa Abu Dhabi Open

MANILA, Philippines — Tututok na si Alex Eala sa kampanya nito sa WTA 500 Abu Dhabi Open sa United Arab Emirates kung saan makakasagupa nito ang isang pamilyar na player sa opening round.
Haharapin ni Eala sa kanyang unang laban si Zeynep Sonmez ng Turkey na naging kapartner nito sa doubles sa ilang ITF tournaments.
Naging magpares sina Eala at Sonmez sa ITF Luxembourg noong Nobyembre 2023 kung saan umabot ang dalawa sa semifinals.
Kasunod nito ang ITF Slovakia noong Pebrero 2024 na naging matagumpay din dahil nakarating din sina Eala at Sonmez sa semis.
Sa singles, dalawang beses na nagtagpo sina Eala at Sonmez na parehong napanalunan ng Pinay netter.
Tinalo ni Eala si Sonmez sa ITF France sa Round of 16 sa iskor na 7-5, 6-4 noong Nobyembre 1, 2023.
Muling nagtagpo ang dalawa sa WTA Lexus Eastbourne Open noong nakaraang taon kung saan nanalo si Eala kay Sonmez sa qualifying tournament (6-1, 6-3). Ngunit ibang usapan na ang 2026.
Matikas ang rekord ni Sonmez na nakaabot sa third round ng Australian Open kung saan tinalo nito sina 11th seed Ekaterina Alexandrova ng Russia (7-5, 4-6, 6-4) sa opening round at Anna Bondar ng Hungary sa second round (6-2, 6-4) bago matalo sa third round kay Yulia Putintseva ng Kazakhstan, (3-6, 7-6, 3-6).
Kaya naman pukpukan ang ensayo ni Eala dahil alam nitong mas mabigat ang laban na haharapin nito sa Abu Dhabi.
“I’m working hard. My team is working hard and we’re working hard to maintain the level that I’m at and working even harder to go deeper and higher into the rankings inch by inch,” ani Eala.
Galing si Eala sa quarterfinal finish sa Philippine Women’s Open na ginanap sa Rizal Memorial Tennis Center.
Agad itong tumulak sa UAE para naman sa naturang WTA 500-level tournament.
Paglapag pa lamang sa Abu Dhabi, sumalang agad si Eala sa ensayo sa venue kung saan dinumog ito ng mga Pinoy fans sa kanyang practice session.
Maglalaro rin si Eala sa doubles kasama si Indonesia Janice Tjen.
- Latest




















