Black Bears lalaro sa PBA Commissioner’s Cup
MANILA, Philippines — Matapos ang Bay Area Dragons at Hong Kong Eastern, ang Macau Black Bears naman ang sasalang sa darating na Season 50 PBA Commissioner’s Cup.
Magtutungo sina PBA Commissioner Willie Marcial at PBA Board vice-chairman Alfrancis Chua sa Macau pagkatapos ng PBA Philippine Cup Finals para pormalisahin ang paglalaro ng Black Bears sa second conference.
Makikipag-usap sina Marcial at Chua kina Macau team owners Jackie Fung at Lukas Peng sa Pebrero 6 hanggang 8 para plantsahin ang partisipasyon ng Black Bears.
Nauna nang inaprubahan ng PBA Board ang paglalaro ng Black Bears sa Commissioner’s Cup na pinagharian ng TNT Tropang 5G sa Season 49 kasama si import Rondae Hollis-Jefferson.
Kagaya sa Bay Area Dragons at Hong Kong Eastern, parehong PBA rules din ang ipapatupad sa Black Bears.
“Kung ano ‘yung terms with Bay Area and Hong Kong Eastern before, ‘yun pa rin ang ia-apply natin,” ani Marcial.
Sa patakaran ng liga, ang mga guest teams ay pinapayagang magsabak ng dalawang imports na salitang maglalaro sa kabuuan ng torneo.
Pumasok ang Dragons sa Season 47 Commissioner’s Cup Finals kung saan sila tinalo ng Barangay Ginebra katuwang si resident import Justin Brownlee sa deciding Game Seven sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Sumampa naman ang Hong Kong Eastern sa Season 49 Commissioner’s Cup playoffs bago sila pinatalsik ng nagharing TNT sa quarterfinals.
- Latest























