GAP kikilalanin sa PSA Awards Night

MANILA, Philippines — Sa ikalawang sunod na taon, pararangalan ang Gymnastics Association of the Philippines (GAP) ng National Sports Association (NSA) of the Year sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association Annual Awards Night sa gaganapin Pebrero 16 sa Diamond Hotel Manila.
Ito ay dahil sa matagumpay na kampanya ng gymnastics sa nakalipas na taon. Bumabandera na sa mga nagningning ng husto si Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo na humakot ng gintong medalya sa iba’t ibang international tournaments.
May mga Pinoy gymnasts din na nagpasiklab sa junior world championships at Southeast Asian Games.
Kumana ang 25-anyos na si Yulo ng gintong medalya sa FIG Artistic Gymnastics World Championships na ginanap sa Jakarta, Indonesia.
Wagi ito ng ginto sa vault habang may tanso rin ito sa floor exercise para tanghaling Male Athlete of the Year kasama si tennis darling Alex Eala na siya namang Female Athlete of the Year sa awards night na co-presented ng Philippine Sports Commission at ArenaPlus.
Matatandaang kumana ng dalawang ginto si Yulo sa 2024 Paris Olympics dahilan para tanghaling NSA of the Year ang GAP sa naturang taon.
Ang GAP ay pinamumunuan ni president Cynthia Carrion. Wagi rin si Yulo ng ikaapat na ginto sa floor exercise sa Asian Artistic Gymnastics Championships na ginanap sa Jecheon, South Korea.
Nakatanso pa ito sa individual all-around, vault at parallel bars.
Hataw din ang kapatid nitong si Eldrew Yulo na naka-tanso sa floor exercise at horizontal bar sa 3rd FIG Artistic Gymnastics World Junior Championships sa Manila Marriott Hotel.
Wagi rin ang Pinoy gymnasts ng tatlong ginto sa 33rd SEA Games sa Bangkok, Thailand mula kina Aleah Finnegan (vault), Jasmine Ramilo (individual all-around) at John Ivan Cruz (vault).
- Latest

















