Vekic, Osorio sa PWO Finale
MANILA, Philippines — Swak na sa finals ang isa sa crowd favorite na si Donna Vekic ng Croatia matapos patirin ang Cinderella run ng unseeded na si Tatianta Prozorova ng Russia, 6-2, 6-4, sa Final Four ng 2026 WTA125 Philippine Women’s Open kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
No. 4 seed sa 32-player main draw, kinailangan lang ng 29-anyos na Croatian ng 76 minuto upang ilaglag ang bagitong si Prozorova, 22, at mamuro sa kampeonato ng kauna-unahang WTA tournament sa bansa.
Wala pa ring galos maski isang set si Vekic, WTA No. 72, sa Maynila upang patunayan ang kalibre bilang silver medalist ng 2024 Paris Olympics at semifinalist ng 2024 Wimbledon para sa pambihirang kampanya sa harap ng itinuruting niyang mga kababayang Pilipino.
Unang nakilala si Vekic bilang katunggali ng pambato ng Pinas na si Alex Eala sa ASB Classic sa Auckland, New Zealand at Kooyong Classic sa Melbourne, Australia kung saan humiling siyang maampon ng pamosong Pinoy crowd sa pagdayo niya rito sa Maynila.
At iyon nga mismo ang isinusukli sa kanya ng mga Pilipina lalo’t laglag na sa kontensyon si Eala bilang No. 2 seed matapos ang 6-4, 6-4 kabiguan sa quarterfinals kontra sa No. 5 seed na si Camila Osorio ng Colombia kamakalawa.
Samantala, makakasagupa ni Osorio sa finals si Vekic matapos talunin si Solana Sierra ng Argentina, 6-0, 6-1, sa isa pang semis match.
- Latest






















