GAP gagawaran ng NSA of the Year award
MANILA, Philippines — Muling igagawad sa Gymnastics Association of the Philippines (GAP) ang National Sports Association (NSA) of the Year sa idaraos na San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association Annual Awards Night sa Pebrero 16 sa Diamond Hotel Manila.
Ito ang ikalawang sunod na taon na ibibigay sa GAP ang naturang parangal matapos ang matagumpay na kampanya nito sa nakalipas na taon.
Nangunguna na sa mga nagningning ng husto si Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo na humakot ng gintong medalya sa iba’t ibang international tournaments.
May mga Pinoy gymnasts din na nagpasiklab sa junior world championships at SEA Games.
Kumana ang 25-anyos na si Yulo ng gintong medalya sa FIG Artistic Gymnastics World Championships na ginanap sa Jakarta, Indonesia.
Wagi ito ng ginto sa vault habang may tanso rin ito sa floor exercise para tanghaling Male Athlete of the Year kasama si tennis darling Alex Eala na siya namang Female Athlete of the Year sa awards night na co-presented ng Philippine Sports Commission at ArenaPlus.
Matatandaang kumana ng dalawang ginto si Yulo sa 2024 Paris Olympics dahilan para tanghaling NSA of the Year ang GAP sa naturang taon.
Ang GAP ay pinamumunuan ni president Cynthia Carrion.
- Latest




















