Thunder natakasan ng Heat

MIAMI — Kumonekta si Andrew Wiggins ng krusyal na three-point shot sa hu-ling 31 segundo para sa 122-120 pagtakas ng Heat sa nagdedepensang Oklahoma City Thunder.
Tumapos si Wiggins na may 15 points, 5 rebounds at 5 assists habang umiskor si Bam Adebayo ng 30 points tampok ang career-best na anim na triples para sa Miami (22-20).
Nagdagdag si Norman Powell ng 19 markers.
Binanderahan ni Shai Gilgeous-Alexander ang Oklahoma City (35-8) sa kanyang 39 points habang may 18, 15 at 14 markers sina Aaron Wiggins, Ajay Mitchell at Chet Holmgren, ayon sa pagkakasunod.
Ang go-ahead triple ni Wiggins ang nagbigay sa Heat ng 122-120 abante sa huling 31 segundo, samantalang mintis ang tangkang tres ni Alex Caruso sa posesyon ng Thunder sa pagtunog ng final buzzer.
Nauna nang nabigo si Holmgren na maisalpak ang kanyang dunk mula sa inbounds pass ni Caruso para sa Oklahoma City.
Naglaro ang Miami na wala sina injured starters Tyler Herro (sore big toe, bruised rib), Davion Mitchell (bruised left shoulder) at Jaime Jaquez Jr. (sprained left knee).
Ito ang ika-113 sunod na pagkakataon sa regular season na umiskor si Gilgeous-Alexander ng higit sa 20 points para sa Thunder para lumapit sa record na 126 ni legend Wilt Chamberlain.
Sa iba pang laro, giniba ng Portland Trail Blazers ang Los Angeles Lakers, 132-116; wagi ang Boston Celtics sa Atlanta Hawks, 132-106; panalo ang Phoenix Suns sa New York Knicks, 106-99; nilamog ng Detroit Pistons ang Indiana Pacers, 121-78; lusot ang San Antonio Spurs sa Minnesota Timberwolves, 126-123; tinalo ng Golden State Warriors ang Charlotte Hornets, 136-116; at dinaig ng Denver Nuggets ang Washington Wizards, 121-115.
- Latest






















