Heat nanlamig sa Raptors

MIAMI — Bumanat si Scottie Barnes ng 27 points para pangunahan ang 112-91 pagpapalamig ng Toronto Raptors sa bumubulusok na Heat sa final pre-Christmas game para sa dalawang koponan.
May 18 markers si Immanuel Quickley para sa Toronto (18-13).
Nagdagdag si Sandro Mamukelashvili ng 14 points kasunod ang 12 markers ni Brandon Ingram.
Hindi pa naglalaro si RJ Barrett dahil sa kanyang sprained right knee.
Kumamada si Jaime Jaquez Jr. ng 21 para sa Miami na nalasap ang pang-siyam na kabiguan sa huling 11 laro.
Nag-ambag si Norman Powell ng 17 points, habang may 14 markers si Andrew Wiggins at humakot si Bam Adebayo ng 12 rebounds.
Hindi naglaro sina injured Tyler Herro, Nikola Jovic at Pelle Larsson.
Nauna nang tinalo ng Raptors ang Heat, 106-96, noong Disyembre 15.
Isang 10-0 atake sa fourth quarter ang inilunsad ng Toronto patungo sa pagpoposte sa 99-76 lead na hindi na naputol ng Miami.
Sa iba pang laro, tinuhog ng Cleveland Cavaliers ang New Orleans Pelicans, 141-118; sinuwag ng Milwaukee Bucks ang Indiana Pacers, 111-94; pinatumba ng Brooklyn Nets ang Philadelphia 76ers, 114-106; at panalo ang Charlotte Hornets sa Washington Wizards, 126-109.
- Latest























