Filipinas sinipa ang kauna-unahang SEAG gold

MANILA, Philippines — Matapos mabigong mapigilan ang pagkonekta ng limang Vietnam players sa net sa penalty shootout ay ginawa ni Fil-Am goalkeeper Olivia McDaniel ang pinakamalaking pagsalag sa bola.
Sinapo ni McDaniel ang sipa ni Vietnamese Tran Thi Thu para ipreserba ang 6-5 panalo ng Filipinas kasabay ng pagkopo sa kauna-unahang gold medal ng Pilipinas sa Southeast Asian Games football noong Miyerkules ng gabi sa Chonburi Daikin Stadium sa Thailand.
Nauwi sa penalty shootout ang finals match ng Filipinas at Vietnam sa pagtatapos ng extra time.
Si Jackie Sawicki, ang ikaanim na Philippine player sa penalty shootout lineup, ang nagbigay sa tropa ng 6-5 abante matapos maiskoran si Vietnamese goalkeeper Tran Thi Kim.
Matapos ang pagsalag ni McDaniel sa sipa ni Thu ay kaagad nagsigawan at nagdiwang ang mga Filipino fans para sa makasaysayang gold medal ng bansa sa biennial meet.
Mula sa pagiging kulelat ay nasa itaas ngayon ng pedestal ng women’s football ang Filipinas.
Salamat na lamang kina McDaniels at Sawicki at sa kanilang mga teammates na laging gumagawa ng kasaysayan.
Ginawa ng Filipinas ang kanilang debut sa FIFA Women’s World Cup noong 2023.
Ito ay matapos pagreynahan ng mga Pinay booters ang Asean Championship sa maalamat na Rizal Memorial Stadium.
Noong Miyerkules ng gabi ay muling ipinakita ng Filipinas ang kanilang galing sa SEAG kung saan ang kanilang best finish ay pawang bronze medal noong 2021 at 1985.
Nakipagsukatan ng lakas at determinasyon ang mga Pinay booters sa mga Vietnameses sa unang 90 minuto ng regulation at dagdag na 30 minuto ng extra time kung hindi nakaiskor ang dalawang koponan.
- Latest





















